Children learn most on meaningful activities

Thursday, August 9, 2012

Hindi Na


Nov 28, '10 8:51 PM
for alma's friends and alma's online buddies
Hindi na
            Kay sarap na muling makahakbang sa lupa ng aking dating paaralan. Marami na ang nagbago kahit dalawang taon lang ang lumipas mula noong ito ay aking lisanin. Naroon paring ang mga puno ng manggang nakahilera sa tabi ng pader. Lalo namang lumalago ang mga mahogany sa dakong hilagang silangan ng paaralan. Ang mga silid-aralan ay kakikitaan na ng pag-aaruga mula sa mga nakatira dito. Natamnan  na rin ang mga flowerbox ng magaganda at iba’t ibang halaman. Ngunit, ang pagsalubong nito ay akin ay wala paring ipinagkaiba noong araw-araw akong pumapasok, naroon parin at nakikita ko ang mga maririkit na karanasan bilang isang estudyante sa hayskul.
            Ang araw na iyon, ay isang kaganapan para sa lahat ng nasa ika-apat na taon. Marami nang taong naghihintay doon, kamag-anak ng magtatapos, mga tindera ng halu-halo  at mga napadaan lang. Maalinsangan ang panahon, tuyot ang lupa kaya madaling kumakapit ang mga alikbabok sa nagpapawis na katawan. At ako naman ay matiyagang nag-aantay sa pinakamahalagang oras ng aking nakababatang kapatid. Naalala ko tuloy  noong ako rin ay nasa pagkakataong ito na papanhik sa entablado at kukunin ang inaasam na diploma, sabay ngingiti sa naghihintay na camera.
            Marami na rin akong nakitang mga dating kaklase. Nagkawayan, nagngitian, nagbatian, nagkwentuhan, nagtawanan na parang kami pa rin ay nasa hayskul. Laman ng aming mga usapan ang bago naming buhay, mga yugto ng aming paglaki sa mundo ng kolehiyo, mga mahihirap at nakakapanibagong aralin, mga bagong kaibigan, lalo na ang mga kakaibang prof. Ngunit hindi rin mawawala sa amin ang aming pagbabalik-tanaw sa aming mga kalokohan, sa panggagaya sa mga guro, sama-samang pagliban sa klase para pumunta sa Bolo Beach, mga pag-aaway, tsismisan at harutan.
            Tumugtog na ang musikang pangmartsa. Magsisimula na at tinawag na ako ng aking nanay dahil ako ang kukuha ng litrato. Sa harapan, naroon ang aking dating mga guro. Nginitian ko sila at binati. Sila pa rin iyon, ang aking mga naging guro na humulma sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil hindi ako ganito kung wala sila.
            “Kumusta? Payat ka pa rin. Mukhang sineseryoso mo ang kolehiyo.” Bati ng guro ko noon sa biology.
            “Ayos lang naman po ako. Hindi naman po, payat lang po talaga ako at isa pa, wala na akong makain,” biro ko.
            “Ano na? Writer ka ba ngayon sa school niyo?” tanong ng naging guro ko sa English at tagapayo ng  aming pampaaralang pahayagan . Siya ang una kong mentor sa pagsusulat lalo na sa pamamahayag. Dahil sa kanya, naging gamay ko ang lahat ng sangkap ng  pampaaralang pamamahayag – pagsulat ng balita, ng editorial, lathalain, panitikan, balitang isports, maging ang photojourn at pagguhit ng kartong editorial.
            Kitang-kita ko noon sa kanya ang sabik na marinig ang aking tugon.
            “Hindi po. Hindi po ako staff sa school publication sa amin,” sagot ko.
            Ang kislap sa kanyang ngiti ay parang bituing natakpan ng ulap, at ang dating pakurba sa kanyang labi ay naging tuwid.
            “Ah, ganun ba?”ito na lamang ang naging tugon niya.
            Tama nga ako. Iba ang gusto niyang marinig. Sino ba namang guro ang magiging masaya kung hindi ginagamit ng kanyang estudyante ang mga bagay na natutunan nito sa mula kanya?
            Hindi na. Hindi na ako gaya ng dati. May mga bagay pala na kumukupas din maliban sa larawang matagal nang nakabinbin sa dingding. Habang kumukuha ako ng litrato , nakita ko ang sarili ko sa entablado, kinakamayan at hawak ang parangal na “Campus Writer and Journalist of the Year”, ngunit napangiti lamang ako. Totoo iyon…manunulat lamang sa taong iyon, at hindi na sa susunod na taon.
 Hindi na ako ang manunulat na sinasabi niyang magaling.
         (Mahirap  palang magpanggap na magaling. Anumang tago mo sa kahinaan mo ay lalabas at lalabas din sa iyong mga gawain. Ang gurong iyon ay nabulag ko. Ngunit, sana ang kaisipan kong ito ay mali. O, ako lamang kaya ang bumubulag sa sarili kong paningin?) 

Grade 3 Fairness


Dec 17, '10 11:11 PM
for alma's friends and alma's online buddies
Halos kalahati nanaman ng araw ko sa eskwelahan ang napunta sa pagbabantay sa mga makukulit pero sweet na mga mag-aaral ng Grade 3 - Fairness. Christmas Party pala nila sa lunes. Sayang at hindi ko sila mapapanoood sa kani-kanilang presentation. Pero di bale, nakita ko naman silang magpraktis. Natutuwa ako dito kay Inno Miguel. Bukod sa nakakaaliw nitong paggiling kahit mataba ay magaling din pala itong kumanta. Kaya lang, napakakulit ng batang ito. Hindi ka nito titigilan hanngang hindi siya magsawa. Kahit tarayan mo siya'y parang wala lang sa kanya. Makulit din si Mark, pero kalalaki niyang tao'y napakataray niya, pareho sila ni Aaron. Naaliw naman ako kina Judd at Jeremy. Pakiramdam ko pag nakikita ko ang dalawang ito, minumulto ako ng doppleganger! Sa tuwing kakausapin ko ang isa sa kanila ay kailangan ko pang tanungin kung si Judd ba o si Jeremy ang kausap ko. Gusto ko rin ang tropa nina Frances, Hannah, Patricia at Ann. Sila ang mga babaeng madadaldal pero mahilig yumakap. Nakaktuwa din si Justin, Kenneth at Josh. Para silang tatlong Mr. Bean kanina habang tumatalong magkakaakbay, iyon daw ang step nila habang kinakanta ang "Baby" ni Justin Bieber. Masarap kurutin ang taba nina Rovic, Jamie, at JM. Napakalusog nila! haha. Mababait naman ang mga babaeng Filipina na sina Kaycee, Flor, Sandra, Jericha, Kryzelle, Aaliyah, Nailah. Ang gwapo talaga ni JV. Ang cute ni Kat-kat Natutuwa ako dahil mababait naman sila at napapakiusapang tumahimik kahit sandali lang. Ang kaso, ilang saglit nanama'y nag-iingay ulit sila. marahil ganoon talaga ang mga bata. Minsan, ayoko na silang suwayin. Gusto kong maglaro na lang sila dahil alam ko rin ang pakiramdam ng pinagbabawalan sa paglalaro. Basta kapag pinagbantay ulit nila kami, hindi ako mag-aalangan. go lang ng Go. Masarap kasing niyayakap ka ng mga estudyante mo at tinatawag kang "Teacher!".


Grade 5 na sila ngayon!

Isang Hakbang na lang, Wag nang...


Sep 9, '11 11:06 PM
for you
Kung sa hagdanan ng tagumpay at  buhay, kung saan sa pinakahuling baitang naroon ang pinakamatutulis at pinakamadudulas na  bato,   papayag ka bang madulas at masaktan ? Natural Hindi. halos abot-kamay mo na ang pagkakataon diba?

Paano ba yan, gagaraduate na ako ngayong taon. ilang tulog na lang, ilang araw ng pagpupuyat at pagsususnog ng kilay, pati ilang pagsusunog ng tiyan, makakatapos na rin ako sa wakas. Pero kahit na iilang araw na lang ang dapat bilangin, di pa rin maalis sa isip ko kung ano ang mangyayari sa akin pagkatapos kong kumawala sa buhay-estudyante.

Sa aking kurso, di na talaga mawawala ang paaralan sa akin. Nagtapos ako sa paaralan, ngunit papasok ulit ako sa paaralan. Ang kaibahan nga lang, pagkapasok ko sa paaralan, ako na ang may-ari ng klasrum. Ako na ang boss. Di na ako matatakot sa mga guro dahil kabilang na rin ako sa kanilang lahi. Ngunit tutulad nga ba ako sa lahi ng di-iilang mga guro na aking kinakatakutan noon?Marami ang mga bagay na bumabagabag sa aking isipan sa ngayon. Maraming-marami. At isa na doon kung anong klase akong guro sa hinaharap.

Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko sa ngayon. Parang walang kasiguraduhan ang lahat ng aking ginagawa. Sa tatlong taong paghahanda ko, ngayon ko lang naranasang mag-alinlangan sa hinaharap. Alam na alam ko namang di nagkulang sa pangaral ang aking pamantasan, Sa katunayan, ibinigay na lahat-lahat ng aking mga propesor ang lahat ng kanilang nalalaman para maihanda kami sa tatahakin naming landas. Di sila nagkulang sa pagpapayo at pagbibigay ng kaalaman sa lahat ng bagya na may kinalaman sa pagiging guro. 

 Hindi ko rin namang masasabing ipinilit lang ako sa kursong ito ng ninuman kaya ganoon na lang ang pagkawala ng aking gana, Sa lahat ng pamantasang aking pinaplanong pasukan, laging Bachelor in Elementary Education ang laging nasa una sa listahan. Mula pagkabata, ito na talaga ang gusto ko. Ngunit bakit parang nawawalan na ako ng motibasyon? Wala naman akong masamang ginagawa? Di naman ako nagloloko?


Kailangan ko talagang pag-isipan ang lahat. Isang hakbang na lang para makarating ako sa tuktok. Alam kong may kulang sa akin at kailangan ko iyong hanapin. Kelangan kong maibalik iyong bagay na naiwala ko o kelangan kong hanapin ang bagay na kulang sa akin.

Kinakain ako ngayon ng guilt. Kumakayod pa naman ang aking magulang para sa aking pag-aaral. Ayokong balewalain ang lahat ng iyon. Ayoko silang mabigo. Ayoko silang madisappoint sa akin. 

Kelangan kong mag-isip. Kelangan kong gawin ang mga dapat gawin.