Saturday, February 28, 2015

Tiyan


Sa dagat ng mga metal na bagay
Naroo’t may nilalang na naglalahad ng kamay,
Kumakatok sa bintana ng bawat sasakyan
Ang gayak ay basah’t may grasa ang katawan.


Dala ang yapak na hindi sinapinan
Ramdam ang init sa maduming daanan
Ang mga kuko’y mahahaba’t sing-itim ng aspalto
Tumutulo ang pawis, naririnig ang pag-ubo.


Ang tihayang palad, barya ang laman
Pamatid uhaw, pumupuno ng tiyang kumakalam
Kahit bente singkong tangan ng munting kamay
Ngiting alanganin ang sa mukha’y matutunghay.


Sa dagat ng mga metal at kotseng kumikinang
Naroo’t nakapo ang bundat na nilalang
Nakatunghay sa bintana ng kanyang sasakyan
Nakagayak ng mamahaling ginto sa katawan.


Dala ng paa ang pilak na sapin
Among ang pabangong sa Paris binili.
Mga kuko’y napinturahan ng mamahalin
Ang katawan ay pinuno ng gintong palamuti.


Tikom ang palad, kahit humihiga sa pera
Busog ang tiyan, ang magara ang dighay.
Kahit ang halaga ng sasakya’y isa lang barya
May ngiti pa ring di mawari kung ito’y tagumpay.

TAKAS



(malayang taludturang tula)

Ang dilim ang naghatid sa ating dalawa
                na mamulat sa hubad
na katotohanang kapwa tayo uhaw
sa pagmamahal.
At kung kapwa tayo sabik
sa atensiyong sa ati’y ipinagkait
samahan natin ang isa’t isa
sa biyaheng palangit

Kapwa natin yakapin
ang paghuhusgang sa ati’y ibinato
pagkat mas masalimuot
ang pagtatanggol sa sarili
sa husgadong sa puti lang
nakapako.

Hubaran natin ang isa’t isa
habang nagpupuyos an gating mga labi
sa paglalakbay sa ating
mga katawang nilatayan
ng kawalang puri.

Hawakan natin ang isa’t isa
pareho nating lakbayin
nang walang alinlangan
ang daanan tungo sa kawalan.
Saka natin kilalanin
ang lalim ng isa’t isa,
magpapahulog sa katauhang
labis nating inaasam

Gagalaw, sasayaw, iindak
sa ritmong tayo lang
ang nakakaalam
Sisigaw, bubulong, aawit
sa musikang likha
ng sarili nating sining
at pagsapit ng umaga’y
muli tayong magbabalik
sa seldang inobra
ng mapanghusgang tingin
hanggang sumapit ulit ang dilim.

Balakubak



Balakubak


Paano k aba tatanggalin sa aking ulo
At tila nananahan ka na’t di na naglaho?
Kung sana’y kabutihan ang dulot mo
Di sana’y hindi ako problemado


Ang sarap ibaon ng kuko ko sa iyo
Paurong-pasulong, paroo’t parito
Kapara nito’y kumahog na araro
Matanggal lang ang kating likha mo.


Ngunit tuwing kinakamot iyong kati
Kay sarap ulit’ulitin kahit namemeste
At pagkatapos ditong makamot ng daliri
Saka magsisislabas ang di nais na puti.


Ano bang dahila’t nananahan ka sa ulo ko?
Sa dami ng tao, bat sa ulo ko pa dumapo?
Araw-araw naman akong nagshashampoo
Ikaw na yata ang sinasabing forever ko.

Wednesday, February 25, 2015

KAPE




KAPE

                "Ano ang amoy ng kalungkutan?"
                Isa ito sa mga tanong  noon ng aking propesor sa panitikan habang tinatalakay namin ang kanya-kanyang pagpapakahulugan at simbolo tungkol sa isang bagay na siyang magiging daan upang maipakilala mo ang iyong sarili mula sa isang bahagi ng iyong buhay.
                May mga kaklase akong sumagot ng amoy ng paa, dahil  daw  talaga namang nakakasulasok ang amoy ng paang mukhang ilang taong nailibing. Yung  iba sumagot ng alimuom,  yung iba, sumagot ng amoy ng kabinet na luma. Habang ako, nakangangang nagtataka, may amoy nga ba talaga ang kalungkutan? Paano mo maaamoy ang kalungkutan kung nararamdaman mo lang ito at hindi man lang nasasalat? Buong oras akong nag-iisip kung anong amoy nga ba ang maituturing kong nakakalungkot, maliban sa mga amoy na binanggit ng aking mga kaklase. At talaga nga bang naamoy ang kalungkutan?

                Hanggang sa natapos na ang klase, nasa isip ko pa rin ang katanungang iyon. Ano nga ba ang amoy ng kalungkutan? Anong amoy nga ba ang pag nasinghot ko ay malulungkot ako?  Marahil, katulad ng mga kaklase ko, maaiinis ako pag nakaamoy ako ng mabaho dahil sino nga ba ang magiging masaya pag nakaamoy ka nun? Maaring mainis ako sa mga amoy na sobrang tapang at masangsang, sino nga ba ang matutuwa sa amoy na yun. Oo, maasar ako at sisimangot, pero hindi malulungkot. Dahil ang kalungkutan ay malalim na nararamdaman na hindi basta-basta nagigising sa simpleng amoy lamang.

                Noong gabi ding iyon, dahil marami akong gagawin, napagdesisyunan kong magtimpla ng kape upang di makatulog. Ang pinaghalong aroma ng kape at ang damdamin kong makatapos sa isang gawin ang tila magpapapait ng gabi ko. Dito ko lang naaamoy kung ano nga ba para sa akin ang amoy ng kalungkutan. Pag nakakaamoy ako ng kape, naaalala ko ang pamilya ko sa probinsiya. Mahilig kasi ang papa ko sa kape. Wala siyang anumang bisyo, maliban sa pagkakape. Kape sa umaga kape sa tanghali. Kape sa gabi. Minsan meryenda niya, kape din.

                Isang magsasaka si tatay kaya uso sa kanya ang bumangon nang maaga. Siyempre, bilang parte ng kanyang ritwal bago sumalang sa bukid,Kape muna ang kanyang nilalagok bago pa man ang ilang inumin diyan. Kasabay niyon, pag nalalanghap namin ang aroma ng kape niya, nagigising kami bigla.  Kaya bago pa man umalis si tatay papuntang bukid, gising na rin kami at sabay-sabay kaming kakain. Ganito lagi ang senaryo sa bahay tuwing umaga. At ganitong senaryo ang gusto kong makita araw-araw, ang lagi kaming magkakasama sa umaga.

                Noong bata-bata pa ako,malapit na malapit na ako sa pamilya ko. Kaya siguro ako taong-bahay lang na di gaya ng ibang kabataan na lakwatsa dito, lakwatsa doon. Kahit utus-utusan ako sa bahay, basta nakikita ko sina mama at papa at ang mga kapatid ko, ayos lang. Minsan nga, pag may umaalis sa bahay, nalulungkot na ako at natatakot akong baka di na sila bumalik.

                Di ko alam na darating ako sa puntong ako pala ang kailangang umalis sa bahay. Mag-aaral kasi ako ng kolehiyo sa Maynila.
               
                "Ma, diyan na lang ako mag-aaral sa bayan. Ang layo ng Maynila eh,"sabi ko sa kanya. Pero ang totoo, ayoko talagang umalis sa bahay namin.
                Pero mapilit si mama. Kailangan din naman daw akong tumuklas ng bagong mundo. Ayoko mang sundin yun pero mapilit kasi sila. Sila ang magpapaaral sa akin kaya sila ang masusunod.

                Tumira ako sa bahay ng tita ko. Kahit naman sabihin natin nakatira ka pa rin sa kamag-anak mo, iba pa rin yung gigising ka sa umaga na ang nakikita mo ay ang pamilya mo.
                Simula nang tumira ako sa Maynila, hindi na ganoon kasigla ang umaga ko dahil hindi ko naamoy ang kape ni papa sa umaga. Hindi rin naman kasi mahilig sa kape sina tita. Kaya minsan, para mawala ang pagka-miss ko kina papa, nagtitimpla ako ng kape. Minsan, sumasabay pa sa pag-inom ko ng kape yung ad ng isang brand ng kape. Para kanino nga ba ako bumabangon?

                Hindi naman kasi biro ang mag-aral sa kolehiyo. Bukod sa malayo ako sa pamilya ko, daan-daang mga project, terms papers, reports at kung  anu-ano pang paper works ang ipapagawa sa akin. Minsan nga, gusto ko na ring sumuko. Hindi ko masabi sa tita ko na nahihirapan ako lalo pa't pati pagbiyahe ko ay nakakadagdag sa stress ko.  Ang biyahe mula Taguig hanggang Maynila ay umaabot ng isang oras at talagang nakakapagod. Pero isang tasa lang ng kape, nabubuhay ulit ako. Kasi ang kape sa akin ay parang isang pagpapaalala ng papa na sa bawat pagdilim ng kalangitan, may bagong umagang nag-aabang. Kaya sa tuwing nakakaamoy ako ng kape, naaalala ko si papa, si mama at ang mga kapatid kong nasa probinsya.Kahit nalulungkot ako dahil hindi ko na sila kasama pag nakakaamoy ako ng kape, napabubuhayan naman ako at matitiis ko ang anumng pait ng mga bagay at pangyayaring dumating sa buhay ko. Kaya naman, lalo ko pang pinag-iigihan ang mga ginagawa ko, kasi umaasa din sila na makakamit ko yung mga pangarap ko.  Pero  sa tuwing nakakaamoy ako ng aroma ng kape, kahit ito ang nagsisilbing motibasyon ko, hindi ko pa rin maiwasang hindi malungkot dahil namimiss ko ang pamilya ko sa probinsya.

                Kaya minsan pag nagkakape ako, malungkot man ako, lalo kong pinag-iigihan ang lahat ng aking ginagawa. Kung sakali mang magtagumpay ako, maaari na akong bumalik sa pamilya ko at bumili ng maraming kape para kay tatay. At babalik ang kasiyahan ko sa tuwing nakakaamoy ako ng aroma ng kape.

Tuesday, February 24, 2015

Kawalan







Damhin mo ang hanging
                patuloy na umiihip
                sa alapaap ng alaalang
                kinalimutan ang rikit.

Hagkan mo ang yuming
                hatid nitong lamig
                sa bawat pagdapo
                ng kalinga nitong hatid.

Buksan mo ang pandamang
                nagkulang sa husay
na masala tang pag-ibig
na di nasisilip.

Ilibing ang ligaya
na dapat ay sa iyo
pagkat pagsintang buhay
ay unti-untig naglalaho.