Hindi na | for alma's friends and alma's online buddies |
Hindi na
Kay sarap na muling makahakbang sa lupa ng aking dating paaralan. Marami na ang nagbago kahit dalawang taon lang ang lumipas mula noong ito ay aking lisanin. Naroon paring ang mga puno ng manggang nakahilera sa tabi ng pader. Lalo namang lumalago ang mga mahogany sa dakong hilagang silangan ng paaralan. Ang mga silid-aralan ay kakikitaan na ng pag-aaruga mula sa mga nakatira dito. Natamnan na rin ang mga flowerbox ng magaganda at iba’t ibang halaman. Ngunit, ang pagsalubong nito ay akin ay wala paring ipinagkaiba noong araw-araw akong pumapasok, naroon parin at nakikita ko ang mga maririkit na karanasan bilang isang estudyante sa hayskul.
Ang araw na iyon, ay isang kaganapan para sa lahat ng nasa ika-apat na taon. Marami nang taong naghihintay doon, kamag-anak ng magtatapos, mga tindera ng halu-halo at mga napadaan lang. Maalinsangan ang panahon, tuyot ang lupa kaya madaling kumakapit ang mga alikbabok sa nagpapawis na katawan. At ako naman ay matiyagang nag-aantay sa pinakamahalagang oras ng aking nakababatang kapatid. Naalala ko tuloy noong ako rin ay nasa pagkakataong ito na papanhik sa entablado at kukunin ang inaasam na diploma, sabay ngingiti sa naghihintay na camera.
Marami na rin akong nakitang mga dating kaklase. Nagkawayan, nagngitian, nagbatian, nagkwentuhan, nagtawanan na parang kami pa rin ay nasa hayskul. Laman ng aming mga usapan ang bago naming buhay, mga yugto ng aming paglaki sa mundo ng kolehiyo, mga mahihirap at nakakapanibagong aralin, mga bagong kaibigan, lalo na ang mga kakaibang prof. Ngunit hindi rin mawawala sa amin ang aming pagbabalik-tanaw sa aming mga kalokohan, sa panggagaya sa mga guro, sama-samang pagliban sa klase para pumunta sa Bolo Beach, mga pag-aaway, tsismisan at harutan.
Tumugtog na ang musikang pangmartsa. Magsisimula na at tinawag na ako ng aking nanay dahil ako ang kukuha ng litrato. Sa harapan, naroon ang aking dating mga guro. Nginitian ko sila at binati. Sila pa rin iyon, ang aking mga naging guro na humulma sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil hindi ako ganito kung wala sila.
“Kumusta? Payat ka pa rin. Mukhang sineseryoso mo ang kolehiyo.” Bati ng guro ko noon sa biology.
“Ayos lang naman po ako. Hindi naman po, payat lang po talaga ako at isa pa, wala na akong makain,” biro ko.
“Ano na? Writer ka ba ngayon sa school niyo?” tanong ng naging guro ko sa English at tagapayo ng aming pampaaralang pahayagan . Siya ang una kong mentor sa pagsusulat lalo na sa pamamahayag. Dahil sa kanya, naging gamay ko ang lahat ng sangkap ng pampaaralang pamamahayag – pagsulat ng balita, ng editorial, lathalain, panitikan, balitang isports, maging ang photojourn at pagguhit ng kartong editorial.
Kitang-kita ko noon sa kanya ang sabik na marinig ang aking tugon.
“Hindi po. Hindi po ako staff sa school publication sa amin,” sagot ko.
Ang kislap sa kanyang ngiti ay parang bituing natakpan ng ulap, at ang dating pakurba sa kanyang labi ay naging tuwid.
“Ah, ganun ba?”ito na lamang ang naging tugon niya.
Tama nga ako. Iba ang gusto niyang marinig. Sino ba namang guro ang magiging masaya kung hindi ginagamit ng kanyang estudyante ang mga bagay na natutunan nito sa mula kanya?
Hindi na. Hindi na ako gaya ng dati. May mga bagay pala na kumukupas din maliban sa larawang matagal nang nakabinbin sa dingding. Habang kumukuha ako ng litrato , nakita ko ang sarili ko sa entablado, kinakamayan at hawak ang parangal na “Campus Writer and Journalist of the Year”, ngunit napangiti lamang ako. Totoo iyon…manunulat lamang sa taong iyon, at hindi na sa susunod na taon.
Hindi na ako ang manunulat na sinasabi niyang magaling.
(Mahirap palang magpanggap na magaling. Anumang tago mo sa kahinaan mo ay lalabas at lalabas din sa iyong mga gawain. Ang gurong iyon ay nabulag ko. Ngunit, sana ang kaisipan kong ito ay mali. O, ako lamang kaya ang bumubulag sa sarili kong paningin?)
No comments:
Post a Comment