Friday, April 25, 2014

Nang Mag-rally ang mga Mangkukulam

Nang Mag-rally ang mga Mangkukulam




"The only way to deal with an unfree world is to become so absolutely free that your very existence is an act of rebellion." - Albert Camus




            Ang bayan ng Poloponosa  ay isang mapayapang bayan na binubuo  ng walumpung porsiyento ng populasyong Mangkukulam,  at dalamwampung porsiyento lang ng mga Taumputi. Ngunit walang nakababatid kung hanggang kailan ang kapayapaang namamayani sa bayang iyon hangga't walang giyerang magaganap sa pagitan ng dalawang populasyong ito. Ngunit kung mangyayari man  iyon, pihado, talo ang mga Taumputi dahil sa bilang nito. 

            Bawat pamamahay ng mga Mangkukulam ay may sampu hanggang dalawampung maitim na pusa .Sila ay pinaniniwalaang mas naunang manirahan sa Poloponosa kaysa sa mga Taumputi. Madidilim ang kanilang kabahayan. Walang ilaw, masapot,  maraming abubot na karaniwan nilang binibili sa maingay na pamilihan. Ngunit, may kakaibang porma ang mga bagay na ito kaya naeenganyo sila sa pagbili. Bukod sa mga bagay na kakaiba, mahilig din sila sa maiitim na bagay. Hindi sila mahilig sa mga bagay na gawa sa plastik. Lahat ay pawang gawang natural.

             Walang masyadong ginagawa ang mga Mangkukulam. Lagi silang natutulog kapag umaga. Naniniwala kasi sila na ang mga kasagutan sa kanilang mga dasal ay nasa panaginip. Kapag gabi naman, iba ang kanilang ginagawa. Kung hindi mamamasyal sa kagubatan, nananatili sila sa kanilang bahay na madilim at nagpaparami ng lahi.

            Mahilig din silang magpakulo ng tubig at bente-kwatro oras silang nakataingin sa kawali para lang gawin itong salamin. Ang pinakukuluang tubig daw kasi ang may pinakamagandang repleksyon sa lahat ng nagbibigay ng repleksyon, kaya, nagiging magaganda at matitipuno sila kapag nakatingin sila sa repleksyon ng kumukulong tubig. Marami mang kakaiba sa kanila, walang araw na hindi mo sila maririnig na naghahagikgikan. Sila ang itinuturing na pinakamasasayang nilalalang sa kanilang bayan.

            Dalawa ang uri ng mangkukulam. Ang una ang mga mangkukulam na bihasa sa mga bulong at mahika. Sila ay mga matataas at paham sa kanilang lahi. Sila ang maaring takbuhan ng mga Taumputi kung may mahika silang gustong ipagawa sa kanila. Ang ikalawang uri naman ay ang mga mangkukulam na taga-bulong lang. Inuulit lang ang mga sinasabing bulong ng mga paham na mangkukulam. Kumbaga, mga 'audience' lang sila kapag may ritwal na nagaganap. Iilan lang ang paham sa kanila dahil mabigat na responsibilidad daw ang maging paham.Ngunit kahit may dalawang uri ng mangkukulam, hindi mo pa ring masasabi kung sino talagang ang mga paham at sino ang mga taga-bulong lang dahil lahat ay nagtatatago sa kanilang tahanan.

            Kabaliktaran naman ng mga Mangkukulam ang mga Taumputi. Kaya sila tinawag na Taumputi ng mga Mangkukulam ay dahil mga kulay nila na medyo maputi. Ngunit noon daw ay maiitim ang mga Taumputi. Mahilig lang daw silang maglagay ng pampaputi sa balat. Malinis ang mga Taumputi sa pananamit, pagkain, at tirahan. Kailangang laging may ilaw ang kanilang mga bahay kahit kasikatan ng araw. Mahilig din sila sa mga abubot lalo na iyong mga yari sa ginto at pilak. Tinatawid nila ang ilang bundok makapamili lang ng mga kagamitang ito. Lagi naman silang gising pag umaga at tulog sa gabi. Ngunit kapag umaga, hindi sila nananatili sa kanilang bahay. Lumuluwas sila sa ibang bayan upang mag-aral.  Para sa kanila, matalino ka kapag nag-aaral ka.Kaya lahat ng anak nila ay pinapag-aral sa ibang bayan. Kung may isang kapamilyang hindi nag-aaral, sila ay itinuturing na bobo at salot sa lipunan. Ayaw na ayaw nila ng pusa. Ngunit gustong-gusto nila ang mga aso. Dahil may kamahalan ang mga aso,  ito ang naging sukatan ng kanilang yaman.

            Mahilig din sila sa koleksyon. Marami silang uri ng koleksyon, mga sasakyan, alahas, cellphone, damit, sapatos, at iba pa.  Kung wala kang koleksyon, itinuturing ka nilang isa sa mga Mangkukulam.  Seryoso sa buhay ang mga Taumputi. Ayaw nilang tumatawa at ngumingiti. Iitim daw kasi ang kanilang mga ngipin kapag ipinapakita ito sa iba. Iisa ang kanilang uri. Itinuturing nila ang kanilang mga sarili bilang mga matatalinong nilalang. Kung isa kang Taumputi ngunit hindi ka matalino, ituturing ka nilang isang Mangkukulam. Mababait naman ang mga Taumputi sa mga Mangkukulam dahil alam nila ang kayang gawin ng mga Mangkukulam kung makakaalitan nila ang mga ito.

            Ilang henerasyon na ang nagdaan ngunit walang bakas ng pag-aaway ang dalawang uri ng nilalalang sa Poloponosa.  Walang pakialam ang isa't isa kahit nasa iisa silang komunidad.

            Ngunit isang araw, may naligaw na isang nilalang sa bayan. Mas maputi ito kaysa sa mga Taumputi. Sam Jones daw ang pangalan nito. Nagniningning ang balat nito. Namumula ito kapag nasisikatan ng araw. Dahil namangha si Arkan Mingla na isang Taumputi, kay Sam Jones, pinatira niya ang estranghero sa kanilang bahay. Mula nang tumira ang estrangherong ito sa bahay ni Arkan Mingla, lalo itong naging mayabang at nagtatali-talinuhan. At kahit na nakabalik na si Sam Jones sa tunay nitong bayan, kakikitaan mo pa rin ng pagmamayabang si Arkan Mingla.

            Nang lumaon, tinipon ni Arkan Mingla ang mga Taumputi.

            "Mga taumputi, hindi ba kayo nagsasawa sa kalagayan nating ito? Hindi ba kayo nagnanais na mabago ang bayang ito? Marami tayong maaring gawin at di lang tayo dapat makuntento sa kung anong meron tayo ngayon. Kailangan na ng pagbabago! "

            "At anong pagbabago naman iyon? " tanong ng isang Taumputi

            "Matagal nang walang namumuno sa ating bayan. Walang ginagawa ang mga Mangkukulam upang umunlad ang ating bayan. Sino pa ba ang aasahan nating mamuno kundi tayong mga matatalino at nakapag-aral lamang?"

            Ayaw na nilang kontrahin pa ang sinabi ni Arkan Mingla. May punto nga naman si Arkan Mingla. Maigi nilang pinagplanuhan ang mga kailangang gawin para sa kanilang Bagong Lipunan.

            "Hindi kaya  kailangan nating isali ang mga Mangkukulam sa planong ito?" ani Silang Kabisela, isang matandang mahilig humingi ng gamot sa mga Mangkukulam.

            "At ano naman sa kanila kung may babaguhin natin ang bayang ito? Wala naman silang ginawa kundi humagikgik buong araw, matulog at magolekta ng mga walis!" ani Arkan Mingla

            "At isa pa, wala na silang pakialam kung ano ang gawin natin sa bayang ito. Nabuhay tayo sa loob ng  ilang henerasyon na hindi nila tayo pinapakialaman. Siguro'y iisipin nila na sarili naman natin itong plano kaya di na sila makikialam. Tutal, mga mangmang naman iyan at hindi nila alam ang konsepto ng pagbabago. Tignan mo nga, lagi silang humihingi ng mga lumang kawali para lang idadang sa apoy araw-gabi!" ani  Ila Sebyo, isang matong mahilig mag-utos ng mangkukulam.


            Sinimulan nila ang pagbabago. Nagtayo sila ng mga paaralan at mga estrukturang pang-agrikultural gaya ng irigasyon at gilingan.  Naglagay sila ng mga ilaw sa kalsada kahit nagreklamo ang mga mangkukulam sa liwanag. Ang paliwanag nila sa mga Mangkukulam, "Lalong makikikita ang inyong kagandahan at kakisigan sa liwanag" . Kung kaya't pumayag na lang ang mga Mangkukulam sa pakulo ng mga Taumputi.  Hinikayat na rin ng mga Taumputi na pumasok sa paaralan ang mga anak ng mga Mangkukulam. Ngunit hindi  kailanman pinapasok ng mga Taumputi ang knailang mga anak sa paaralang itinayo nila. Naniniwala silang kailangan pa rin ng mga batang Taumputing mag-aral sa ibang bayan.

            Sa paaaralan, ang mga guro ay ang nakapag-aral na Taumputi. Itinuturo dito ang kalinisan. Sinabi nila na ang walis ay isang maduming bagay kaya dapat itong itago o kaya gawing panlinis upang makapunta sa langit ang kanilang kaluluwa. Ang mga batang tumanggap ng kaisipang ito ay ginawa nilang taga-linis ng kanilang mga tahanan. Natuto ang mga mangkukulam na lumabas sa kanilang bahay upang maglinis at manilbihan sa mga bahay ng mga Taumputi. Ayon sa mga Taumputi, mas uunlad daw ang bayan ng Poloponosa kung lahat ay magtatrabaho kaya mas mainam na magtrabaho na lamang ang mga Mangkukulam sa tahanan ng mga Taumputi.

            Nagkaroon narin ng eleksyon kung saan pipili ang mga mamamayan ng Poloponosa ng mamumuno sa kanila. Parte ito ng pagbabago. Ngunit hindi pwedeng kumandidato ang isang mangkukulam. Hindi naman daw sila nakapag-aral sa ibang bayan.

            Sa pagpili ng pinuno,maglalaban ang mga kandidato. Matira ang matibay. Ang kandidatong mabubuhay ang tatanghaling pinuno. Ito ang patakarang pinanukala ni Arkan Mingla. Ngunit sa kasamaang palad, napatay siya ni  Ila Sebyo.

            Sa pamumuno ni Ila Sebyo, lalong pinalakas ang kapangyarihan ng mga Taumputi na sa pag-uutos sa mga mangkukulam .Titira na lang ang mga Mangkukulam sa bahay ng mga Taumputi upang mas madali na daw silang mautusan. Hindi na niya pinayagan ang mga mangkukulam na gumamit ng mahika o mangkulam. Itinuring na itong krimen. Ang sinumang mangkukulam na gumamit ng kanyang kakayahang mangkulam ay bubulagin at ibibitin.

            Nangkaroon din ng malawakang demolisyon sa bayan. Dahil sinasapot at madumi daw ang mga bahay ng mga Mangkukulam, ipinagiba nila ang mga ito at pinalitan ng isang gusaling na tinawag nilang "Mahal na Gusali para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones". Naniniwala na kasi ang mga Taumputi na mas uunlad ang bayan ng Poloponosa kung mas dadami ang mga taong kagaya ng Sam Jones-- na dating nagbigay ng kaliwanagan sa kanilang pag-iisip sa tulong ng yumaong si Arkan Mingla-- ang darating at maninirahan sa Poloponosa. Nawalan ng tirahan ang mga mangkukulam kaya ang iba ay nakitira sa bahay ng ibang Taumputi. Ang iba naman ay nangibang-bayan.

            Walang umaalmang Mangkukulam sa lahat ng nangyayari. Alam kasi nilang parte ito ng pagbbago. Kuntento na rin sila sa mga bayad ng mga Taumputi sa kanila. Simula kasi noong nagsimula ang pagbabago, tumaas na ang binabayad sa kanila ng mga ito. Binabayaran ng mga Taumputi ang mga Mangkukulam ng mga bagay na gawa sa tae, mga piguring gawa sa tae ng kalabaw, mga pasong himulma mula sa tae ng kabayo, mga dekorasyong gawa sa tae ng kambing. Kakaiba daw kasi ito kaya tinatanggap  naman ng mga mangkukulam. 

            Habang tumatagal,itinuring nilang bagong panginoon ang mga Taumputi. Bumibili na rin sila ng mga pampaputi upang maging kagaya nila ang mga ito. Ang mga walis na dati nilang sinasamba ay ginagawa na nilang panlinis. Hindi na rin sila mahilig sa mga natural at kakaibang bagay. Nahilig sila sa mga ginto at pilak. Hindi man sila nakakapag-may-ari ng mga ginto, nasisiyahan naman sila sa pagsulyap-sulyap sa mga dekorasyon sa bahay ng kanilang mga among Taumputi. Nahilig na rin silang mag-aral sa paaralang itinayo ng mga Taumputi. Pinakapaborito nilang asignatura ay ang Edukasyon sa Paglilingkod sa mga Taumputi.

            Samantala, hindi na lang kumikibo ang mga Mangkukulam na may malasakit sa kanilang lahi. Kung magsasalita man sila ng masama tungkol sa mga Taumputi, pabulong na lang ito at hindi na sasabihin pang muli.

            Isang gabi, may nahuli ang mga Taumputi na isang Mangkukulam na gumagamit ng mahika upang magkabulutong si Ila  Sebyo. Sinunog ang katawan nito sa harap ng napakaraming Mangkukulam.

            "Ang sinumang mangkukulam na gagawa muli ng bagay na ikakasakit ng mga Taumputi ay matutulad sa lapastangang ito" ani Ila Sebyo habang ipinakita sa bawat Mangkukulam ang nagliliyab na katawan ng kanilang kalahi.

            Nag-iiyakan ang ibang mga Mangkukulam sa takot. Anumang paghihimagsik ang kanilang gustong gawin ay hindi nila kayang gawin. Mas makapangyarihan ang mga Taumputi sa mga panahong ito.

            "Ang hindi ko maintindihan ay bakit hinahayaan nating apakan tayo ng mga Taumputi" ani Lolong Bato, isang matandang mangkukulam, habang nag sisiyesta ang isang grupo ng mangkukulam sa ilalim ng puno ng mangga.

            "Wala kasi tayong alam. Sila ang mas may alam kung paano tayo mabubuhay",sagot naman ni Indang Pala.

            "Tayo ang naglilingkod sa kanila, paanong wala tayong alam para mabuhay?" sagot uli ni Lolong Bato. "At isa pa, mas marami tayong mga Mangkukulam, bakit hindi tayo lumaban sa kanila. Pihado, talo sila!"

            "Iilan na lamang tayong tunay na Mangkukulam. Ang ibang mangkukulam ay naging Taumputi na. Nag-iba na ang kanilang kulay, ayos ng pananamit at kinahihiligan. Hindi na sila mga mangkukulam, kundi mga Taumputi na," ani Siyong Baging.

            "Pag-usapan natin ang lahat ng ito mamayang hating-gabi kung saan tulog ang mga amo nating Taumputi," utos ni Lolong Bato, at saka siya umidlip. At habang ipinipikit niya ang kanyang mata ay nakakakita siya ng liwanag.

            Halos nabalitaan ng lahat ng Mangkukulam ang usapan nina Lolong Bato at iba pa. Napag-isip-isip nila na hindi naman masama ang makinig sa suhestiyon ng isang Mangkukulam na nasa katinuan pa ang pag-iisip. Kaya naman halos lahat din ay dumalo sa lihim na pagtitipong iyon.

            "Gigibain natin ang 'Mahal na Gusali para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones' para wala nang tirhan si Ila Sebyo. Kukunin natin ang lahat ng kanilang mga posporo para hindi na nila tayo masunog. Natatandaan niyo pa ba ang mga mahika upang magiba ang isang gusali?" may paninindigang tanong ni Lolong Bato.

            "Hindi na Lolong. Mga bata pa tayo nang ituro sa atin iyan ng mga paham, matagal nang ipinagbawal sa atin ang mahika kaya imposibleng matandaan pa natin iyan," sagot naman ng ibang matatandang Mangkukulam.

            "Alam ko pa kahit kaunti. Tipunin niyo ang mga Mangkukulam. Sundin niyo lang ang aking mga sasabihin. Tiyak, mas magiging makapangyarihan ang ating mahika. Kunin niyo ang mga walis at ito ang magiging sandata natin laban sa mga mapang-abusong Taumputi," sagot ni Indang Pala ngunit nagkakamot siya sa ulo dahil mukhang tinakasan na siya ng memorya, ngunit kompiyansiya siyang maaalala din niya ito sa huli.

            Pinagplanuhan nilang maigi ang araw kung kailan sila maghahasik ulit, matapos ang mahaba at matagal na panahon.

            Dumating na ang araw ng paghihimagsik. Ngunit iilang Mangkukulam na lamang ang lumahok. Ang iba ay takot makibaka. Ang iba ay wala nang pakialam. Ang iba ay mas panig na sa mga Taumputi. Ang iba ay Taumputi na.
            "Hindi makabubuti,"
             "Wala na kaming paki."
             "Delikado iyan."
            "Wala tayong pag-asa."
            "Kalokohan lang iyan."

            Halos ang ilan ay iisa ang ibig iparating sa darating na himagsikan --  walang kwenta ang paghihimagsik.

            "Lolong bato, para saan pa ba ang ipinaglalaban natin kung mismong mga kalahi natin ay wala nang ganang maghimagsik para sa kanilang kalayaan mula sa mga Taumputi? Para sa kanila naman  ito diba?" saad ni Yoyong Sinda, ang kanang kamay ni Lolong Bato.

            "Hindi para sa kanila ito Yoyong, para sa mga Mangkukulam na hindi pa ipinapanganak," matapang na dahilan ni Lolong Bato. Naalala niyang muli ang liwanag na nakita niya sa ilalim ng punong mangga kaya pinamahayan siya ng lakas ng loob.

            Nagpatuloy sa pagtitipon ang mga Mangkukulam upang gibain ang 'Mahal na Gusali para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones' .

            Sumigaw, bumulong, humiyaw.

            Ang pagsigaw ni Lolong Bato ay siya namang paghiyaw ng mga tunay na Mangkukulam. Dala-dala nila ang kanilang sariling bandera. Patuloy ang kanilang pagbulong. Umaalingaw-ngaw ang bawat salitang kanilang pinabanggit

Boooom—shakalaka---booom!  Ra—ra—ra—ah-ah---roma—romama!

            Tila lumalakas ang kanilang bulong at nagiging buo ang kanilang boses.

            Patuloy ding nabibingi ang mga Taumputi sa kanilang naririnig. Ang ibang Taumputi ay nasiraan ng ulo at pinagpapatay ang kanilang makitang Mangkukulam.  Nagiba ang "Mahal na Gusali para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones". Nadaganan ng malalalaking bato si Ila sebyo. Ang ibang taumputi ay galit na galit sa mga Mangkukulam. Nagtagumpay ang mga mangkukulam na pabagsakin si Ila Sebyo at ang "Mahal na Gusali para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones." Pagkatapos niyo'y nagsiuwian na sila sa kanilang tahanan nang humahagikgik.

            Ngunit hindi pa natapos ang lahat dahil gumanti ang mga Taumputi.

            Wala man silang mahikang katulad ng mga Mangkukulam ngunit may kapangyarihan silang naiiba sa mga ito. Ibinalita nila sa kanilang mga karatig bayan na  salot sa lipunan ang mga Mangkukulam kaya dapat silang bitayin. Kaya naman pagkatapos ang nangyaring paggiba, tumulong ang mga tao sa karatig-bayan upang sugpuin ang mga salot sa lipunan. Lumakas ang mga Taumputi dahil nakahanap sila ng kakampi upang lipulin ang mga Mangkukulam.

            Nagsialisan ang mga Mangkukulam sa bayan ng Poloponosa. Natakot din ang taga-ibang bayan sa mga mangkukulam kaya pinaalis nila ang sinumang Mangkukulam na nakatira sa kanilang bayan at amundok sila.

             Habang sila ay tumatakas patungong lugar kung saan walang nakakaalam, humahagikgik ang mga ito bilang hudyat na gagawa silang muli ng bagong pamayanang malayo sa kaugalian ng mga Taumputi at Maka-Taumputi.





1 comment:

  1. gusto ko sumali sa grupo ng mangkukulam 0935-5206697 Johnny

    ReplyDelete