Friday, April 25, 2014

Mga Tulang Walang bahid ng Pagkaberde


NI ALMA V. REYNALDO


PS. ANG MGA TULANG ITO AY ISANG PAGSASANAY SA PAGLALARO NG MGA SALITA. (word play)



ANG MANGGA

Para kang tsiks na sa tingin pa lang,
Ako ay sa iyo natatakam.
Ang makinis mong balat ay masarap hawakan,
Gusto kong ika'y maiging talupan.


Sa mapintog mong bunga, mamimilog ang mata
Nasasabik akong ika'y makuha
Kahit na ikaw ay mahigad pa
Magpipilit akong akyatin ka.


Mangga! ika'y walang kasing sarap
Malutong ang laman mo pag ika'y kinagat
Naghahalo ang laway ko sa iyong katas
Ikaw na sa akin ang lahat-lahat


Bagay ka sa bagoong na maalat
Pwede rin sa asing galing  sa dagat
Pwede kang kaining may balat
Kahit anong hiwa, tiyak akong ika'y masarap.


Ngunit hinay-hinay lang dapat ako sa pagkain
Kung ayaw kong tiyan  ko ay mangasim
Hindi lahat ng masarap kainin
Ay nakakapagdulot ng ligaya sa atin


 Ang Kendi


Ale, ale, tindahan mo'y buksan
Alisin ang kandado't ako'y iyong pagbilhan
Gusto ko ang kendi mo, kaya iyong bilisan
Kunin mo ang bayad ko, kahit wag na kong suklian

Ang kendi ang sagot sa gabi kong matamlay
Napupuno nito ang bibig kong naglalaway
Sa tamis na dulot ng kending puspos ng asukal
Ay unti-unting nakakawala ng kaisipang banal.

Kay sarap isubo ang kending matamis
Lalo na pag nilusaw sa dilang nagpapawis
Labas-pasok man ito sa iyong bibig
Nananatili pa rin ang iyong pakakakilig


Idausdos mo ang kendi mula sa dila
Itaas mo nang itaas hanggang sa ngala-ngala
Ilabas mo ng ilabas at ipitin mo ang iyong labi
Hanggang sa maging kakulay nito ang kendi.

Sipsipin mo ang kendi hanggang sa manuyo
Tagalan mo ang paggalaw nang di ka mabato
Dahil ang kendi ay parang isang bula
Nawawala pagkatapos ng alindog na pansamatala.


Sabi ni nanay, bawal pag gabi ang kendi sa bata
Salita niya'y  aking ipnagwalang-bahala
Ang kendi ang  dahilan kung bakit ako maligaya
Ang pansamantalang kaligayahan ba ay masama?


Pagkatapos kong matikman ang sarap
Ng kending lagi kong hinahanap-hanap
Bigla akong nakaramdam ng matinding kirot
Na senyales ng hindi ko pagsunod.


 Cotton Candy Love

Tila mga ulap na bumaba nang dahan-dahan
Parang sa langit ay nagsawang manahan
Ninakaw ang lahat ng asukal sa tubuan
Ang malambot na katawan ay maiging kinulayan.

Ang hilaw na pagsinta, parang cotton candy ang katulad
Makulay ang anyo’t itsura’y matingkad
Magaan sa damdami’t para kang nililipad
Masarap sa paningin ngunit ang loob ay hungkag.

Nawawala ang takam ‘pag sa bibig ay tinunaw
Kapalit nito ang masidhing pagkauhaw
Labis ang tamis na para kang nilalanggam
Mahapdi ang kagat, at kirot ang naiiwan.

Kaya naman ang cotton candy ay para lang sa bata
Na laging nagtataglay ng matamis na dila
At sabik sa kakaiba at nakakaakit na itsura

Pati sa lambot, siya ay tuwang-tuwa!


Eclipse

Ang araw ay gabi, ang gabi ay araw.
Ang liwanag ay tila  di na matanaw.
Katahimikan ng gabi ay parang pumanaw.
Ang pagsasama nila'y tila nakakauhaw.

Lumapit ang araw sa buwang malumbay
Pinarikit nito ang alindog na taglay.
Nayakag ang buwan sa sinag na mapupungay
Na tila sabik sa mabilisang pagdantay.

Ilang sandali'y, ang liwanag ay natangay
Ng pag-ibig na tila binuhay ang patay.
Mabilis na nag-anib at tila di na mapaghiwalay
Ang kanilang katawa'y, sa isa't isa'y  inialay.

Ang mga matang sa kanila'y nakatingin
Halos mabulag sa nakitang tanawin.
Ngunit ang iba'y humanga pa rin
Sa Pag-ibig na tila segundo lang kung bibilangin.

Ang kapalaran ng dalawa'y tila nakatala
Sa kalendaryong ang tao ang gumawa.
Sandaang taon pa upang sila'y magkita
Sapagkat mauulit ang ganoong istorya.


 Sa Hardin


Nang panaho'y lumamig, tila may umaaligid
Na Bubuyog na may pagnanasang hatid.
Ang kanyang pagbulong ay tila pagdididlig
Upang mamasa ang lupa't magkaroon ng banlik.


Itong si Bulaklak na mayuming umiindayog
 Nanghahalina gamit ang makulay na talulot
Sa hangi'y isinaboy ang samyong nakakabilog.
Ang sinumang lumapit sa kanya'y mahuhulog.


 Ang hardi'y lunduyan ng mga napapagal,
Lalo na ang mga taong sa init ay uhaw.
Nagtatagpo ang mga kaluluwang ligaw
Sa pagnanasang makakuha ng bulaklak na alay.


Ang pagdapo ng bubuyog sa talulot ng bulaklak
Ay naghatid ng kuryenteng dumantay sa balat
Ng bulaklak na  maharot kung bumukadkad.
At natukso sa damdaming lalong umalab.


Sinipsip ng bubuyog ang  inaasam na dagta
Pamahid-uhaw ang sa bulaklak ay nagmula.
Kakaibang kiliti naman ang sa bulaklak ay nagpasaya
Kaya kapwa nagalak sa panandaliang ligaya.



Ang talulot ay hinipo nang marahang-marahan
Nagpaubaya sa pagbuka ang bulaklak nang tuluyan
Kapwa sumabay sa indayog na mainam
Ang pansariling pakinabang ay ninanamnam.


Ngunit sa anumang halama'y may bahaging maselan
Kahit anong pag-iingat, mayroon paring  hawan.
Pinsalang hatid ng bugsong tampalasan
Ang saglit na pagtatagpo, ay dadalhin ng maraming buwan.



No comments:

Post a Comment