Nagpagawa
ako ng isang sanaysay ukol sa kanilang mga pangarap sa buhay. Nakakatuwang
isiping sa murang isipan ng mga bata, malinaw na sa kanilang isipan ang mga
bagay na nais nilang makamit. Unti-unti nang
nabubuo ang kanilang mga pangarap. Bilang isang guro na tumutulong upang
mapaunlad ang kanilang kaalaman sa akademya at maging sa tuntunin ng buhay,
nakakatuwang malamang halos lahat ay may magandang pangarap, hindi lang para sa
kanilang sarili, ngunit para sa kanilang pamilya at para sa iba. Malaki man o
maliit, madali mang abutin o hindi, simple man o bongga, halos lahat sila ay
hindi nag-atubiling ihayag ang mga nais nilang marating balang-araw. Ngunit ang
pinakanakakatuwa sa lahat, alam ng mga batang ito kung papaano nila ito
magagawa. Kung iisipin, sila ay mga bata lamang sa ikaapat na baitang ngunit
ang kanilang galing sa pagsasalaysay ang nagpatuwa sa akin. Bukod sa magaganda
nilang mga mithiin, napahanga ako sa galing nila sa pagsusulat.
"Ang bawat isa sa atin ay may minimithing
pangarap. Ang bawat bata marahil ay may isang pangarap na nais makamit sa
kanyang paglaki. Ang aking pangarap ay maging isang matagumpay na accountant at
magkaroon ng isang magandang hanapbuhay. Nais kong magkaroon ng magandang buhay
at maging mabuting anak na maipagmamalaki ng aking pamilya. Nais kong marating
ang maraming magagandang pasyalan sa iba't ibang bahagi ng mundo. Nais kong
malakbay ang daigdig.
Ang lahat ng ito ay aking
makakamit sa tulong ng aking mga magulang at sa patnubay ng Poong Maykapal.
Magsisiskap akong makapag-aral nang mabuti at tapusin ang aking pag-aaral
hanggang sa huli. Sisikapin king maging mabuting anak at mamamayan ng ating
bayan. – gawa ni Samantha
Fontanilla."
"Ang aking pangarap sa
buhay ay ang maging isang may-ari ng kompanya na ang produkto ay mga damit. Ang
aking nais kuning kurso sa kolehiyo ay Management. Ito ay aking nagustuhan
dahil ang aking kompanya ay maaaring makagawa ng damit para sa mga tao.
Nagustuhan ko din ito dahil pwede rin akong magdisenyo ng mga damit na aming
ibebenta. At ang isa pang dahilan na ito ay aking gustong propesyon ay dahil
gustong maranasan ang pakiramdam ng isang boss.
Wala akong nais tularan sa aking
gustong maging propesyon dahil mayroon akong sariling paraan king paano maging
maunlad. Makatutulong ako sa bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng damit sa mga
nangangailangan at mabibigyan ng pera ang mga empleyado na nagtatrabaho sa
kompanyang aking gustong mabuo. Matutupad ko ang aking pangarao kapag ako ay
magsisikap at mag-aaral nang mabuti. Mas lalo kong gagalingan sa paaralan kapag
may suporta sa aking mga magulang, kamag-anak at mga kaibigan. Kung hindi ko
makakamit ang aking pangarap na ito, handa ako dahil mayroon pa akong ibang
pangarap sa buhay. – gawa ni Ann Margaret Legaspi."
Bawat tao ay may pangarap sa
buhay. Lahat ay gagawin matupad lang ito, maliit o malaki man. Sa aking
paglaki, nais ko maging isang F1 driver. Sa ngayon, ang aking idolo ay si
Fernando Alonso ng Espanya. Siya ay nagmamaneho para sa Ferrari Team at mayroon
siyang 2 kampeonato sa kasalukuyan.
Ninais kong maging F1 driver sa
kaing paglaki upang makilala bilang unang Filipino F1 driver at magkamit ng
kampeonato. Sa ganitong paraan, magbibigay parangal ito sa ating bansa at
mabibilang tayo na mahusay sa larangan ng motorsports. Mag-aaral akong mabuti
upang makapagtapos at makamtan ang aking pangarap sa buhay. Nawa'y magsilbing
inspirasyon ako sa mga sususnod na henersyon. – gawa ni Nikolo Andre
Galang"
"Minsan ko lang maisip sa
buhay ko ang tungkol sa aking pangarap. Kahit sinasabi sa akin ng aking ina na
mahirap yun, yun pa rin yung gusto ko maging isang robot inventor.
Hindi ko alam kung bakit pero
ito ang napili ko. Isang Robot inventor. Isang robot inventor na maging tanyag
sa buong mundo. Isang robot inventor na gagawa at mag-iimbento ng mga robot na
makatutulong sa pag-unlad ng bawat mamamayan lalo na sa mga Filipino.
Balang-araw, magiging robot
inventor ako. At sa pamamagitan ng robot, na inimbento, magiging maunlad ang
buhay ng tao. – gawa ni Jarius Macogay"
"Gusto ko maging isang
manunulat. Maganda kaya ang aking buhay pag ako ay maging manunulat? Gusto ko
sana gumawa ng isang libro at ibahagi sa ibang tao.
Gusto ko maging isang manunulat
dahil mahilig akong magbasa. Marami rin akong natutunan at nasi ko rin ibahagi
sa iba. Ang mga taong nais kong tularan ay sina Geronimo Stilton at Thea
Stilton na parehong magaling na manunulat.Hihikayatin ko ang mga kabataan na magsulat at magbasa ng libro,
mapahayag ang katotohanan, mahahalgang pangyayari at maging mabuting
inspirasyon at halimbawa sa iba.
Ako ay magsisikap mag-aral ng
mabuti at pinakamahalga ay ako ay magtatapos sa aking pag-aaral. Naniniwala ako
na isa ako sa pag-asa ng bayan. Kaya't tutuparin ko ang aking mga pangarap.
Gagawin ko lahat para matupad ito. – gawa ni Day Soleil Parong."
Kaya naman, sigurado ako na maabot nila ang kanilang mga pangarap.Natutuwa talaga ako dahil punong-puno sila ng pangarap. Ito naman talaga ang gusto kong mangyari, ang matuklasan at isipin nila ang kanilang hinaharap habang bata pa. Sa buhay kasi, ang taong may direksiyon ang siyang nakakabatid ng tunay na halaga ng buhay.
No comments:
Post a Comment