Friday, June 8, 2012

Ang Una kong Araw Bilang isang Guro sa Filipino


(In Filipino Language)

Ang pagiging guro ang pinakadakilang propesyon. Alam na alam na nating lahat iyan. At lalong alam na alam na rin natin kung bakit. Kumbaga sa damo, ang kasabihang ito,   ay maituturing na perennial weed,  damong kahit ilang araw, linggo o taon man ang lumipas, umulan man o umaraw, humaba man ang gabi, at unti-unti mang maagnas ang mga bahagi ng ating katawan, naroon parin sila, matatatag na nakatindig, at hindi nabubuwal. At, habang nandiyan ang mga guro na katulad din ng isang damo, ang kasabihan ito ay di mawawala sa mundo.
Nagsisimula pa lang akong tumubo. Sariwa pa ang aking mga ugat. Umuusbong pa lang ang aking mga talbos. Kaunti pa lang ang aking naabot ngunit sagana ako sa mga plano at pangarap bilang isang guro. Nariyang lagi kong pinapangarap na ang kagigiliwan  ako ng aking mga mag-aaral, mabibigyan ako ng regalo, magiging masaya ang aking  unang araw, at mapapangaralan ako ng buong kaguruan. Sabi nga ni Mr Rentoy, ang mga bagong guro ay nasa baitang pa lamang ng pagpapantasya at normal lang na isipin ang mga ganito.
Hindi naman lahat ng pantasya at pangarap  ay nagaganap. Minsan, ang pag-iisip ng pantasya ang sasampal sa iyo na hindi nakukuha ang lahat sa pagtulog. Kailangan mo ding magising at lumabas mula sa ilalim.
Ang unang araw ko ng pagtuturo sa SPCM ay masasabi kong bitter-sweet. Kung tutuusin, ang pagtubo ko ay hindi kahinu-hinuha, di gaya ng iba na sigurado na sila na maisiyahan sila sa kanilang pagtuturo pagsapit pa lamang ng unang araw. Para sa akin, na mas gamay ang pagtuturo ng siyensiya, hindi madaling magturo ng Filipino lalo na sa mga batang ang unang wika ay Ingles. Kahit pa sabihin kong mahilig akong magsulat sa Filipino, hindi ganoon kadaling ipaintindi na ang pang-uri at pang-abay ay magkaiba kahit pa sabihing sila ay mga salitang naglalarawan, at ang Filipino ay hindi madaling sabjek, lalo na sa kanila na iba ang katayuan sa lipunan, mga sosyal kumbaga.
Naalala ko, may isang estudyanteng nagtanong sa akin: “Teacher, what is Miyerkules?”. “Teacher am I gonna write this on my Diary?” Oo nga pala, nasa lunduyan ako ng mga hindi sanay sa mag-Filipino. Lagi ko ngang ipinapaala sa kanila na magsalita ng purong filipino sa aking klase. Mayroon pa akong mag-aaral na di nakakaintindi ng Filipino. Pero kailangan kong ipilit na kailangan niyang matutuo ng maraming salita sa Filipino. Minsan, hindi na sila nakikinig sa akin. Kailanagn mo pa ng instrumentong sinasabi nina B.F. Skinner, ang mga reinforcements at punishments.
Pero, ang nakapagpatibay sa akin noong una kong araw ay ang mga ekspektasyon o inaasahan nila sa aking klase. Sana raw ay maging masaya ang aking klase. Sana daw ay matuto pa sila ng “malalim” na pagtatagalog. At ang pinakanakapagpagana sa akin ng pagtuturo ay ang pagsasabi nila na gusto nilang matutong magsulat ng mga tula at kwento. Makukulit, maarte at pasaway man sila, ngunit naroon din pala ang kanilang dedikasyong matuto.
Sana nga, maabot ko ang kanilang ekspektasyon. Gusto kong pahalagahan nila ang Filipino, hindi dahil ito ang pambansang wika ng Pilipinas kundi ito ang tatak ng ating pagka-Filipino at dito tayo lubusang nagkakaintindihan.
Mahirap sa [arte ko ang magturo ng Filipino at mahirap din sa parte nila ang magtuto ng Filipino. Pero natitiyak ko, kung naroon ang dedikasyon na aming mga panig sa pagkatuto at pagtuturo, magiging masaya ang boung taong ng pag-aaral nang magkakasama.
Sana, makaligtas ako sa mga milyong bagyo, ipo-ipo, baha, sunog at mabibigat na  yapak ng iba. Pinili kong maging bahagi ng mga espesyal na halamang ito, kaya kakayanin ko anumang hamon ng pagtuturo. Okay lang. Ito pa lang naman ang unang araw ko. May ikalawa, ikatlo, ikaaapat at maraming-marami-maraming-maraming araw pa ng aking pagtuturo at pagkatuto. Sa tulong ng Diyos, hindi ako magsasawang umusbong at magparami pa ng talbos upang lumago.

No comments:

Post a Comment