(In Filipino Language)
Ang pagiging guro ang pinakadakilang
propesyon. Alam na alam na nating lahat iyan. At lalong alam na alam na rin
natin kung bakit. Kumbaga sa damo, ang kasabihang ito, ay maituturing
na perennial weed, damong kahit ilang
araw, linggo o taon man ang lumipas, umulan man o umaraw, humaba man ang gabi,
at unti-unti mang maagnas ang mga bahagi ng ating katawan, naroon parin sila,
matatatag na nakatindig, at hindi nabubuwal. At, habang nandiyan ang mga guro
na katulad din ng isang damo, ang kasabihan ito ay di mawawala sa mundo.
Nagsisimula pa lang akong tumubo. Sariwa
pa ang aking mga ugat. Umuusbong pa lang ang aking mga talbos. Kaunti pa lang
ang aking naabot ngunit sagana ako sa mga plano at pangarap bilang isang guro. Nariyang
lagi kong pinapangarap na ang kagigiliwan ako ng aking mga mag-aaral, mabibigyan ako ng
regalo, magiging masaya ang aking unang
araw, at mapapangaralan ako ng buong kaguruan. Sabi nga ni Mr Rentoy, ang mga
bagong guro ay nasa baitang pa lamang ng pagpapantasya at normal lang na isipin
ang mga ganito.
Hindi naman lahat ng pantasya at pangarap ay nagaganap. Minsan, ang pag-iisip ng pantasya
ang sasampal sa iyo na hindi nakukuha ang lahat sa pagtulog. Kailangan mo ding
magising at lumabas mula sa ilalim.
Ang unang araw ko ng pagtuturo sa SPCM ay
masasabi kong bitter-sweet. Kung tutuusin, ang pagtubo ko ay hindi kahinu-hinuha,
di gaya ng iba na sigurado na sila na maisiyahan sila sa kanilang pagtuturo
pagsapit pa lamang ng unang araw. Para sa akin, na mas gamay ang pagtuturo ng
siyensiya, hindi madaling magturo ng Filipino lalo na sa mga batang ang unang
wika ay Ingles. Kahit pa sabihin kong mahilig akong magsulat sa Filipino, hindi
ganoon kadaling ipaintindi na ang pang-uri at pang-abay ay magkaiba kahit pa
sabihing sila ay mga salitang naglalarawan, at ang Filipino ay hindi madaling
sabjek, lalo na sa kanila na iba ang katayuan sa lipunan, mga sosyal kumbaga.
Naalala ko, may isang estudyanteng
nagtanong sa akin: “Teacher, what is Miyerkules?”. “Teacher am I gonna write
this on my Diary?” Oo nga pala, nasa lunduyan ako ng mga hindi sanay sa
mag-Filipino. Lagi ko ngang ipinapaala sa kanila na magsalita ng purong
filipino sa aking klase. Mayroon pa akong mag-aaral na di nakakaintindi ng
Filipino. Pero kailangan kong ipilit na kailangan niyang matutuo ng maraming
salita sa Filipino. Minsan, hindi na sila nakikinig sa akin. Kailanagn mo pa ng
instrumentong sinasabi nina B.F. Skinner, ang mga reinforcements at
punishments.
Pero, ang nakapagpatibay sa akin noong una
kong araw ay ang mga ekspektasyon o inaasahan nila sa aking klase. Sana raw ay
maging masaya ang aking klase. Sana daw ay matuto pa sila ng “malalim” na
pagtatagalog. At ang pinakanakapagpagana sa akin ng pagtuturo ay ang pagsasabi
nila na gusto nilang matutong magsulat ng mga tula at kwento. Makukulit, maarte
at pasaway man sila, ngunit naroon din pala ang kanilang dedikasyong matuto.
Sana nga, maabot ko ang kanilang
ekspektasyon. Gusto kong pahalagahan nila ang Filipino, hindi dahil ito ang
pambansang wika ng Pilipinas kundi ito ang tatak ng ating pagka-Filipino at dito
tayo lubusang nagkakaintindihan.
Mahirap sa [arte ko ang magturo ng
Filipino at mahirap din sa parte nila ang magtuto ng Filipino. Pero natitiyak
ko, kung naroon ang dedikasyon na aming mga panig sa pagkatuto at pagtuturo,
magiging masaya ang boung taong ng pag-aaral nang magkakasama.
Sana, makaligtas ako sa mga milyong bagyo,
ipo-ipo, baha, sunog at mabibigat na yapak
ng iba. Pinili kong maging bahagi ng mga espesyal na halamang ito, kaya
kakayanin ko anumang hamon ng pagtuturo. Okay lang. Ito pa lang naman ang unang
araw ko. May ikalawa, ikatlo, ikaaapat at maraming-marami-maraming-maraming
araw pa ng aking pagtuturo at pagkatuto. Sa tulong ng Diyos, hindi ako
magsasawang umusbong at magparami pa ng talbos upang lumago.
No comments:
Post a Comment