KAPE
"Ano
ang amoy ng kalungkutan?"
Isa
ito sa mga tanong noon ng aking propesor
sa panitikan habang tinatalakay namin ang kanya-kanyang pagpapakahulugan at
simbolo tungkol sa isang bagay na siyang magiging daan upang maipakilala mo ang
iyong sarili mula sa isang bahagi ng iyong buhay.
May mga kaklase akong sumagot ng
amoy ng paa, dahil daw talaga namang nakakasulasok ang amoy ng paang
mukhang ilang taong nailibing. Yung iba
sumagot ng alimuom, yung iba, sumagot ng
amoy ng kabinet na luma. Habang ako, nakangangang nagtataka, may amoy nga ba
talaga ang kalungkutan? Paano mo maaamoy ang kalungkutan kung nararamdaman mo
lang ito at hindi man lang nasasalat? Buong oras akong nag-iisip kung anong
amoy nga ba ang maituturing kong nakakalungkot, maliban sa mga amoy na
binanggit ng aking mga kaklase. At talaga nga bang naamoy ang kalungkutan?
Hanggang
sa natapos na ang klase, nasa isip ko pa rin ang katanungang iyon. Ano nga ba ang
amoy ng kalungkutan? Anong amoy nga ba ang pag nasinghot ko ay malulungkot
ako? Marahil, katulad ng mga kaklase ko,
maaiinis ako pag nakaamoy ako ng mabaho dahil sino nga ba ang magiging masaya
pag nakaamoy ka nun? Maaring mainis ako sa mga amoy na sobrang tapang at
masangsang, sino nga ba ang matutuwa sa amoy na yun. Oo, maasar ako at
sisimangot, pero hindi malulungkot. Dahil ang kalungkutan ay malalim na
nararamdaman na hindi basta-basta nagigising sa simpleng amoy lamang.
Noong
gabi ding iyon, dahil marami akong gagawin, napagdesisyunan kong magtimpla ng
kape upang di makatulog. Ang pinaghalong aroma ng kape at ang damdamin kong
makatapos sa isang gawin ang tila magpapapait ng gabi ko. Dito ko lang naaamoy
kung ano nga ba para sa akin ang amoy ng kalungkutan. Pag nakakaamoy ako ng
kape, naaalala ko ang pamilya ko sa probinsiya. Mahilig kasi ang papa ko sa
kape. Wala siyang anumang bisyo, maliban sa pagkakape. Kape sa umaga kape sa
tanghali. Kape sa gabi. Minsan meryenda niya, kape din.
Isang
magsasaka si tatay kaya uso sa kanya ang bumangon nang maaga. Siyempre, bilang
parte ng kanyang ritwal bago sumalang sa bukid,Kape muna ang kanyang nilalagok
bago pa man ang ilang inumin diyan. Kasabay niyon, pag nalalanghap namin ang
aroma ng kape niya, nagigising kami bigla.
Kaya bago pa man umalis si tatay papuntang bukid, gising na rin kami at
sabay-sabay kaming kakain. Ganito lagi ang senaryo sa bahay tuwing umaga. At ganitong
senaryo ang gusto kong makita araw-araw, ang lagi kaming magkakasama sa umaga.
Noong
bata-bata pa ako,malapit na malapit na ako sa pamilya ko. Kaya siguro ako
taong-bahay lang na di gaya ng ibang kabataan na lakwatsa dito, lakwatsa doon.
Kahit utus-utusan ako sa bahay, basta nakikita ko sina mama at papa at ang mga
kapatid ko, ayos lang. Minsan nga, pag may umaalis sa bahay, nalulungkot na ako
at natatakot akong baka di na sila bumalik.
Di
ko alam na darating ako sa puntong ako pala ang kailangang umalis sa bahay.
Mag-aaral kasi ako ng kolehiyo sa Maynila.
"Ma,
diyan na lang ako mag-aaral sa bayan. Ang layo ng Maynila eh,"sabi ko sa
kanya. Pero ang totoo, ayoko talagang umalis sa bahay namin.
Pero
mapilit si mama. Kailangan din naman daw akong tumuklas ng bagong mundo. Ayoko
mang sundin yun pero mapilit kasi sila. Sila ang magpapaaral sa akin kaya sila
ang masusunod.
Tumira
ako sa bahay ng tita ko. Kahit naman sabihin natin nakatira ka pa rin sa
kamag-anak mo, iba pa rin yung gigising ka sa umaga na ang nakikita mo ay ang
pamilya mo.
Simula
nang tumira ako sa Maynila, hindi na ganoon kasigla ang umaga ko dahil hindi ko
naamoy ang kape ni papa sa umaga. Hindi rin naman kasi mahilig sa kape sina
tita. Kaya minsan, para mawala ang pagka-miss ko kina papa, nagtitimpla ako ng
kape. Minsan, sumasabay pa sa pag-inom ko ng kape yung ad ng isang brand ng
kape. Para kanino nga ba ako bumabangon?
Hindi
naman kasi biro ang mag-aral sa kolehiyo. Bukod sa malayo ako sa pamilya ko,
daan-daang mga project, terms papers, reports at kung anu-ano pang paper works ang ipapagawa sa akin.
Minsan nga, gusto ko na ring sumuko. Hindi ko masabi sa tita ko na nahihirapan
ako lalo pa't pati pagbiyahe ko ay nakakadagdag sa stress ko. Ang biyahe mula Taguig hanggang Maynila ay
umaabot ng isang oras at talagang nakakapagod. Pero isang tasa lang ng kape,
nabubuhay ulit ako. Kasi ang kape sa akin ay parang isang pagpapaalala ng papa
na sa bawat pagdilim ng kalangitan, may bagong umagang nag-aabang. Kaya sa
tuwing nakakaamoy ako ng kape, naaalala ko si papa, si mama at ang mga kapatid
kong nasa probinsya.Kahit nalulungkot ako dahil hindi ko na sila kasama pag
nakakaamoy ako ng kape, napabubuhayan naman ako at matitiis ko ang anumng pait
ng mga bagay at pangyayaring dumating sa buhay ko. Kaya naman, lalo ko pang
pinag-iigihan ang mga ginagawa ko, kasi umaasa din sila na makakamit ko yung
mga pangarap ko. Pero sa tuwing nakakaamoy ako ng aroma ng kape,
kahit ito ang nagsisilbing motibasyon ko, hindi ko pa rin maiwasang hindi
malungkot dahil namimiss ko ang pamilya ko sa probinsya.
Kaya
minsan pag nagkakape ako, malungkot man ako, lalo kong pinag-iigihan ang lahat
ng aking ginagawa. Kung sakali mang magtagumpay ako, maaari na akong bumalik sa
pamilya ko at bumili ng maraming kape para kay tatay. At babalik ang kasiyahan
ko sa tuwing nakakaamoy ako ng aroma ng kape.